Hinimok ng Toxic Watchdog group na Ban Toxics ang Department of Trade and Industry (DTI) at Food and Drug Administration (FDA) na ilathala ang listahan ng mga rehistradong brands ng school supplies para magabayan ang publiko sa pamimili ng mga gamit pang-eskwela.
Ginawa ng grupo ang panawagan matapos ang isinagawang market monitoring sa Divisoria sa Maynila at Baclaran sa Pasay City kung saan nadiskubreng ilan sa ibinebentang school supplies gaya ng krayola at water color ay walang tamang product labels gaya ng manufacturer, cautionary statements, warning signs, at license-to-operate (LTO number).
Ayon kay Thony Dizon, Toxics campaigner ng grupo, mahalagang may tamang impormasyon ang mga consumer sa kanilang binibiling produkto nang masiguro na ligtas ito sa anumang toxic chemicals na maaaring magdala ng panganib sa mga batang estudyante.
“To ensure the quality and standard of school supplies being sold in the market, we call the attention of the Department of Trade and Industry and the Food and Drug Administration to jointly publish the list of registered and legitimate manufacturers and distributors of school supplies in the country for consumers’ awareness and safety,” ani Dizon.
Kaugnay nito, pinuri naman ng grupo ang mga ikinasang on-site monitoring ng DTI at FDA sa ilang pamilihan.
Para sa Ban Toxics, makatutulong ang pagtutok na ito ng regulatory agencies upang masiguro ang quality at safety standards ng mga ibinebentang supplies. | ulat ni Merry Ann Bastasa