Nakipagpulong si Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual sa delegasyon ng EU-ASEAN Business Council (EU-ABC) sa sidelines ng 19th ASEAN Economic Ministers – European Union Consultation sa Semarang, Indonesia.
Sa nasabing sidelines, ikinalugod ng parehong delegasyon ang mga positibong development para sa EU Generalized Scheme of Preferences (GSP) Plus at ang pagsisimula ng scoping process para sa posibleng PH-EU Free Trade Agreement (FTA), na inaasahang susuporta at magsu-sustain sa patuloy na paglago ng kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at EU.
Kinilala rin ng kalihim ang matibay na suporta ng EU-ABC para sa muling pagbabalik ng negosasyon para sa PH-EU FTA. Binigyang diin rin ni Pascual ang naging matagumpay na pagpupulong sa pagitan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. at European Commission President Ursula von der Leyen nitong Hulyo.
Itinampok rin ni Pascual sa mga kasapi ng EU-ABC ang malakas na potensyal ng bansa pagdating sa solar, wind, at geothermal energy bilang pagkilala sa mutual interest sa larangan ng renewable energy at sustainable financing. | ulat ni Gab Villegas