Ngayong papalapit na ang pasukan, nagpaalala ang toxics watchdog group na EcoWaste Coalition sa mga magulang na mag-ingat sa pagbili ng mga kagamitan sa eskwela ng kanilang mga anak kabilang ang krayola.
Kasunod ito ng pagkakadiskubre ng grupo ng ilang crayon products na walang mandatory “non-toxic” at iba pang mahahalagang labeling information.
Kabilang sa mga natukoy na non-compliant products ang Eagle Crayons, KM Rolling Crayons, BT 21 Jumbo Wax Crayons, Princesa Jumbo Crayons, at Smile Factory Jumbo Wax Crayons na naglalaro sa ₱22 hanggang ₱80 ang presyo kada set.
Giit ng EcoWaste, mahalagang may angkop na labeling ang isang crayon product kung saan nakasaad ang pangalan ng produkto, net content, hazard symbols, address ng manufacturer o distributor, at country of origin para masiguro ang kaligtasan ng mga batang gagamit nito.
“If a crayon, for example, contains a harmful substance like lead, putting it in a child’s mouth may cause her or him to ingest this toxic chemical,” pahayag ni Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition. | ulat ni Merry Ann Bastasa