Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 4.3% na paglago sa gross domestic product sa ikalawang quarter ng taong 2023.
Mas mababa ito kumpara sa 6.4% na naitala sa unang quarter ng 2023 at 7.5% sa kaparehong quarter noong 2022.
Paliwanag ni PSA Undersecretary at National Statistician Dennis Mapa, bumaba ang growth rate sa services sector ng -1.02% sa quarter-on-quarter basis na sinundan ng agriculture, forestry and fishing at industry sector na parehong nagsipagtala ng pagbaba na -0.97% at -0.7%
Sa mga sektor, ang accommodation at food service activities ang nakapagtala ng pinakamataaas na paglago na 28.3% sa ikalawang quarter ng taon.
Habang sa expenditure side naman, ang household final consumption ang may malaking kontribusyon sa pagtaas ng GDP na nag-ambag ng 3.7%.
Ayon naman kay National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, kabilang sa mga factor ng pagbagal ng GDP ang nananatiling epekto ng interest rate hikes, inflation, at ang mas mabagal na government spending.
Sa kabila naman nito ay kumpiyansa pa rin ang kalihim na nasa maayos pa ring posisyon ang ekonomiya ng Pilipinas at kaya pa ring maabot ang target growth rate na 6-7% ngayong 2023.
Tiniyak rin ni Sec. Balisacan na may catch-up plan na ang pamahaaan para makabawi sa GDP kabilang ang pagtugon sa underspending at patuloy na suporta sa taumbayan sa inflation. | ulat ni Merry Ann Bastasa