Naghain ng resolusyon si ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo para repasuhin ang RA 11861 o Expanded Solo Parent Act.
Salig sa House Resolution 1150, hiniling ni Tulfo ang pagsasagawa ng inquiry in aid of legislation upang alamin ang estado ng pagpapatupad sa naturang batas.
“It has come to my attention that the implementation of the Expanded Solo Parent Act under Republic Act 11861 should be and must be revisited due to non-compliance of several of its provisions, ironically by several local government units and business establishments,” ani Tulfo.
Ayon sa dating DSWD secretary, marami siyang natatanggap na reklamo na delayed o kaya’y hindi na naibibigay ng mga local government unit ang dapat sana’y buwanang P1,000 na benepisyo ng mga solo parents.
Isa sa dahilan ay ang kawalan umano ng pondo ng mga local government unit (LGU) lalo na ang mahihirap na munisipalidad para ipatupad ito.
“Kaya tinatawagan ko ang aking mga kasamahan na muling silipin ang batas na ito, partikular ang hindi pagbibigay ng P1,000 allowance kada buwan ng maraming LGUs sa mga kwalipikadong solo parents,” diin ng kongresista.
Kasabay nito, hinimok din ng mambabatas ang mga pribadong kompanya at tanggapan ng gobyerno na kumuha o mag-hire ng solo parents.
Maliban aniya sa nakasaad ito sa batas ay tulong na rin ito sa mga solo parent na mag-isang itinataguyod ang kanilang anak. | ulat ni Kathleen Jean Forbes