Nagpapatuloy ang sabayang pagsasanay ng Philippine Army at Royal Australian Army sa Darwin, Northern Territories, Australia bilang bahagi ng Carabaroo 2023 Exercise.
Sa pagsasanay kahapon, nagtatag ang 1st Field Signal Company ng Philippine Army Signal Regiment ng Very High Frequency (VHF) at Ultra High Frequency (UHF) Communications gamit ang Combat Net Radio System (CNRS) para sa koordinasyon ng mga tropang kalahok sa ehersisyo.
Nauna rito, nagsanay naman kamakalawa ang mga tropa ng Delta Company ng 99th Infantry Battalion, Philippine Army (PA) at 1st Combat Engineer Regiment sa live ammunition clearing procedure.
138 tauhan ng Philippine Army mula sa Philippine Army 1st Brigade Combat Team, First Scout Ranger Regiment, at Special Forces Regiment (Airborne) ang kalahok sa 3 linggong ehersisyo na tatagal hanggang Setyembre 9.
Ang Carabaroo exercise na mula sa salitang “Carabao” at “kangaroo” ay naglalayong mapalakas ang interoperability, mapahusay ang kapabilidad na pandigma, at mapatatag ang relasyon ng mga pwersang kasali sa ehersisyo. | ulat ni Leo Sarne
📷: Pvt. Alpha Bierneza, OACPA & Cpl. John Michael S. Manuel, 12CMOBn