Nakaambag sa ‘job generation’ sa Pilipinas ang mga biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ibang bansa kung saan puspusan ang ginagawang panghihikayat ng Philippine delegation sa foreign investors papasok ng Pilipinas.
Pahayag ito ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis Jr. kasunod ng naitalang 95.5% na employment rate nitong Hunyo.
“Unang-una talaga tuloy-tuloy ‘yung pag-alis natin doon sa pandemic era at tuloy-tuloy ang pag-hire. Ang gobyerno naman tuloy-tuloy ang pag-encourage ng investment, at maraming biyahe ni Presidente. Hindi naman inaasahan na marami talagang iuuwing investors at ‘yun ay tuluy-tuloy,” — Luis.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Luis na nakaambag rin dito ang patuloy na pagbubukas ng pamahalaan ng ekonomiya.
“Sa katunayan, sa Philippine Chamber of Commerce (and Industry) halos every week mayroon kaming mga delegation na ini-entertain na nagtatanong, naghahanap ng ka-partner at kung ang mapapasukan nilang negosyo dahil sa mga biyahe ni Presidente.” — Luis.
Ilan lamang aniya sa mga industriyang yumayabong ay sa linya ng konstruksyon, agrikultura, administrative at food services, habang public administration at defense naman mula sa panig ng gobyerno. | ulat ni Racquel Bayan