Nakatakdang magkaloob ang bansang France ng €200,000 o ₱12 milyon upang magbigay ng masustansyang pagkain sa mga batang mag-aaral sa Pilipinas.
Ito ang inanunsyo ni French Minister of State for Development, Francophonie, and International Partnerships Chrysoula Zacharopolou matapos ang kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas para sa kanyang tatlong araw na pagbisita sa Maynila.
Ang nasabing halaga ay idadaan sa “School Meals Coalition” ng World Food Programme na pinangungunahan ng France at Finland.
Para sa opisyal, napakahalaga ng tamang nutrisyon para sa mga bata at ito ang isa sa problema ng mga bansa sa buong mundo kaya’t marami ang mga hindi nakakapasok sa mga paaralan dahil sa kawalan ng access sa masustansyang pagkain.
Binanggit rin ng opisyal ang commitment ng Paris na makipagtulungan sa Maynila upang tugunan ang food security.
Maliban pa sa food security ay natalakay niya rin sa mga opisyal ang usapin tungkol sa posibleng kooperasyon sa larangan ng kalusugan, pagkakaroon ng medical scholarship, paglaban sa climate change, at trade at investment. | ulat ni Gab Humilde Villegas
📷: Department of Finance