Dinepensahan ni Commission on Higher Education Chair Prospero de Vera ang libreng tuition para sa higher education sa ginanap na pagdinig ng House Appropriations Committee sa 2024 budget proposal ng CHED.
Ayon kay De Vera, ang Free Tertiary Education ay maituturing na “best anti-poverty strategy” upang makapag-produce ang Pilipinas ng mga magagaling at “highly skilled workers”.
Paliwanag ng CHED Chair sa interpellation ng mga kongresista, marami ang makikinabang sa libreng tuition, una na rito ang pamilya na makaahon sa kahirapan at matiyak na hindi na maipapamana pa sa mga anak ang hirap ng buhay.
Sa katunayan aniya,mula nang ipatupad ang Universal Access to Quality Tertiary Education ay dumami ang nag-enrol sa kolehiyo.
Sa ilalim ng National Expenditure Program, nasa P29.6 bilyon ang inaprubahang budget ng CHED.
Samantala, napansin naman ng mga mambabatas ang pagbaba na budget ng ahensya mula 2022 sa kabila ng malaking porsyento ng mga mag-aaral na lumilipat sa public school mula pribadong eskwelahan.
Ayon kay De Vera, nauunawan nila ang problema ng fiscal space ng gobyerno kaya binawasan nila ang halaga ng tertiary education subsidy upang mas maraming makinabang na estudyante sa ilalim ng programa. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes