Inihirit ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan na doblehin ang pondo para sa fuel subsidy program na ilalaan para sa mga public transport driver, mangingisda, at magsasaka.
Sa 2024 National Expenditure Program, ₱2.5-billion na subsidiya ang ilalaan sa public transport drivers sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) habang may ₱1-billion na paghahatian ng mangingisda at corn farmers sa ilalim naman ng Department of Agriculture (DA) o kabuuang ₱3.5-billion.
Punto ng kinatawan higit ngayong kailangan ng tulong ng naturang sektor bunsod na patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Katunayan, panibagong taas presyo sa gasolina ang ipatutupad ngayong araw.
Kaya naman nais ni Libanan gawin itong ₱7-billion.
“Our public utility vehicle (PUV) and ride-hailing drivers, along with delivery service riders, deserve highly improved financial support to help them cope with the persistent burden of high fuel prices. The fuel subsidies to public transport drivers should be enlarged to ₱5-billion, while the combined aid to fisherfolk and farmers should be increased to ₱2-billion,” ani Libanan.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), bago matapos ang buwan ay mamamahagi sila ng fuel subsidy sa mga driver gamit ang pondong nakapaloob sa 2023 budget.
Nasa ₱10,000 ang matatanggap ng mga modern jeepney at UV Express driver at ₱6,500 naman sa driver ng iba pang uri ng pampublikong sasakyan habang ang mga delivery rider ay makatatanggap ng ₱1,200 at ang mga tricycle driver ay ₱1,000. | ulat ni Kathleen Jean Forbes