Kinuwestiyon ni Senador Chiz Escudero ang probisyong isama ang mga kababaihan sa panukalang Mandatory Reserve Officers Training Corp (ROTC).
Sa interpellation para sa Mandatory ROTC Bill, pinaliwanag ng sponsor ng panukala na si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kung bakit hindi kasama ang mga kababaihan sa dating bersyon ng ROTC.
Ayon kay Dela Rosa, nang mga panahon ng dating ROTC law ay hindi pa uso ang gender equality samantalang ngayon ay nagbibigay na ng pantay na oportunidad para sa mga kababaihan na magsilbi sa bayan.
Nanghingi rin si Escudero ng datos na nagsasabing nais ng mga kababaihan na maging patas sa mga kalalakihan pagdating sa usapin ng mandatory na pagsasailalim sa ROTC.
Binahagi naman ng isa pang author ng ROTC bill na si Senador Sherwin Gatchalian ang kinomisyon niyang Pulse Asia Survey noong March 2023 na nagtatanong kung pabor ba ang taumbayan sa mandatory ROTC sa mga college students.
Base sa survey, 78 percent ang pabor, 13 percent ang hindi pabor.
Lumalabas naman na sa mga tinanong mula sa age group na 18-24 years old, 75 percent ang pabor habang sa 25-34 years old age group 83 percent naman ang pabor. | ulat ni Nimfa Asuncion