Inihain sa Kamara ang House Bill 8941 na layong atasan ang mga tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor na kumuha ng mga empleyado na may kapansanan o yung mga PWD.
Pinangunahan nina ACT CIS party-list Reps. Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo at Edvic Yap, kasama sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City Rep. Ralph Tulfo, ang paghahain sa panukala kung saan pinaglalaan ang government at private office ng posisyon para sa mga PWD.
Sakaling maisabatas, ang government agencies ay kailangan maglaan ng 1% ng kanilang posisyon para sa mga PWD.
Ganitong bilang din ang itatalaga ng mga pribadong kumpanya na may higit 100 empleyado.
Kung ang pribadong kumpanya ay mas mababa sa 100 ang empleyado ay hinihikayat pa rin sila na maglaan ng posisyon para sa mga may kapansanan na naghahanap ng trabaho.
Punto ng mga mambabatas sa paghahain ng panukala, sa kabila ng mga batas para bigyan ng trabaho, edukasyon at health service, ang mga PWD ay napag-iiwanan pa rin sila dahil sa kawalan ng patas na oportunidad.
Ang mga kumpanya na makikibahagi dito ay bibigyan ng tax incentive. | ulat ni Kathleen Jean Forbes