Tutol ang iba’t ibang grupo ng motorcycle at bicycle riders sa mungkahi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na “shared lane” designated bicycle lane sa EDSA.
Ito ang resulta ng naging pagpupulong na ipinatawag ng MMDA sa mga naturang grupo ngayong araw sa punong tanggapan nito sa Pasig City.
Ayon kay Robert Sy, isang Transport Economist at kinatawan ng Move As One Coalition, tutol sila sa sharing ng bike lane dahil sa hindi ito ligtas para sa mga siklista kaya’t kailangang hiwalay ang lane para sa mga gumagamit ng motorsiklo.
Sa panig naman ni Motorcycle Philippines Federation Director Atoy Sta. Cruz, kailangang mapanatili sa isipan ng mga motorista ang pagkakaroon ng disiplina sa kalsada gayundin ang kahalagahan ng paggamit sa mga alternatibong ruta.
Batay sa datos ng MMDA, aabot sa 165 libong motorsiklo ang dumaraan sa EDSA kada araw kaya kailangang magamit din ang ibang lansangan maliban sa EDSA.
Sa kaniyang panig, sinabi ni MMDA Acting Chairman, Atty. Don Artes na bukas naman sila sa lahat ng panukala bago naman sila magsumite ng rekumendasyon kay Department of Transportation o DOTr Sec. Jaime Bautista.
Sa ngayon, sinabi ni Artes na patuloy nilang pinag-aaralan ang mga maaaring maging solusyon sa kung paano mapakikinabangan ng lahat ang lansangan tulad na lamang ang pagtatayo ng elevated walkway at bike lane partikular na sa EDSA.| ulat ni Jaymark Dagala