Patuloy na lumolobo ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Egay at habagat sa sektor ng agrikultura.
Sa pinakahuling assessment ng DA, pumalo pa sa ₱2.9-billion ang halaga ng pinsala sa sektor sa siyam na rehiyon sa bansa kabilang ang Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, SOCCSKSARGEN, at Caraga.
Katumbas ito ng 163,722 na ektarya ng agricultural areas at production loss na 98,217 metriko tonelada.
Kabilang sa mga apektado ang mga sakahan ng palay, mais, high value crops at fisheries, gayundin ang ilang agricultural facilities.
Aabot rin sa 142,365 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ang pangkabuhayan dahil sa pananalasa ng bagyong Egay.
Nakahanda naman na ang assistance ng DA sa mga apektado sa sektor kabilang ang higit isandaang libong sako ng binhi, ₱500-milyong halaga ng Quick Response Fund at ₱200-milyong halaga ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC).
Sa panig ng BFAR, maglalaan din ito ng ₱5.9-milyong halaga ng fuel assistance para sa mga mangingisda sa CAR, Regions I, II, at III; at P1.9-M halaga ng repair at maintenance para sa mga nasirang motorized boats. | ulat ni Merry Ann Bastasa