Umakyat na sa P375 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala ng bagyong Goring sa sektor ng agrikultura.
Batay sa report ng DA-DRRM Operations center nasa 8,483 ang bilang ng mga magsasaka na naapektuhan.
Ito ay batay sa inisyal na report mula Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at Western Visayas.
Nasa 16,145 na ektaryang lupain ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo habang nasa 15,856 metriko tonelada ang nasirang produksyon.
Kabilang sa mga lubhang napinsala ay ang palay, mais at mga high value crop.
Asahan naman na mas tataas pa ang halaga ng pinsala, dahil na rin sa nararanasang sama ng panahon na dala ng bagyong Hanna.
Tiniyak naman ng Department of Agriculture, na may nakahandang ayuda ang kagawaran para sa mga apektadong magsasaka.
Kabilang dito ang P100 milyong halaga ng binhi ng palay, mais at mga assorted vegetable seed.
Magkakaloob din ang DA ng drugs at biologics para sa livestock at poultry, at ayuda sa pamamagitan ng Quick Reaction fund ng DA.
Pinapayuhan ang mga magsasaka na makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng DA para makakuha ng ayuda. | ulat ni Diane Lear