Lumobo pa ang halaga ng pinsala sa sektor ng edukasyon na dulot ng pananalasa ng mga nagdaang Bagyong #EgayPH at #FalconPH, pati na habagat.
Batay sa pinakahuling situation report ng Department of Education (DepEd), umabot na sa P1.77 bilyon ang halaga ng pinsala kung saan nasa 479 na mga paaralan ang naapektuhan mula sa iba’t ibang rehiyon.
Kabilang dito ang Cordillera Administrative Region, National Capital Region, Region 1, Region 2, Region 3, Calabarzon, Mimaropa, Region 5, at Region 8.
Habang nasa pitong paaralan pa ang kasalukuyang ginagamit na evacuation centers sa CAR, Region 1, Region 2, Region 3, at Region 6.
Sinabi naman ni Vice President at Education Secretary Sara Z. Duterte na ipatutupad ang blended learning program sa mga paaralan na hindi kaagad matatapos ang pakukumpuni bago magbalik-eskwela ang mga mag-aaral sa August 29.
Binigyan diin din ng Pangalawang Pangulo na ang direksyon ng DepEd sa ngayon ay patungo na sa blended learning para tuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga kabataan kahit magkaroon ng problema sa classroom.| ulat ni Diane Lear