Nasa 941 na mga residente ang nakinabang sa Professional Regulation Commission (PRC) Mobile Service sa provincial capitol sa lungsod ng Dipolog, Zamboanga del Norte nitong ika-20 ng Agosto.
Pinangunahan ito ng PRC-9 sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Norte sa ilalim ng Public Employment Service office (PESO).
Base sa datos, nasa 512 ang nag-apply para sa Licensure Examination, 52 ang sa initial registration, 183 ang sa renewal, 80 ang nag-apply ng certification at 114 naman ang sa authentication.
Malaki ang naitulong ng PRC Mobile Service sa mga residente ng naturang probinsya sapagkat hindi na nila kinakailangan pang gumastos upang pumunta sa regional office ng PRC na nakabase na ngayon sa lunsod ng Pagadian, Zamboanga del Sur.
Isa din sa rason kung kaya’t napili ng PRC-9 na gawin sa lungsod ng Dipolog ang PRC Mobile Service dahil base sa record ng kanilang tanggapan ay karamihan sa mga nagpoproseso sa Pagadian ay mula mismo sa Dipolog City.| ulat ni Bless Eboyan| RP1 Zamboanga