Mayroon nang inisyal na 1,719 pamilya o higit 5,500 indibidwal ang naitalang apektado ng pananalasa ng Super Typhoon Goring, batay yan sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Operations Monitoring and Information Center.
Ayon sa DSWD, aabot sa 78 barangay mula sa Regions I, Il, at Cordillera Administrative Region (CAR) ang nakaranas ng hagupit ng bagyo.
Nasa 286 pamilya rin o katumbas ng 900 indibidwal ang pansamantalang nananatili sa evacuation centers habang nasa 90 pamilya rin ang nakikitira muna sa kanilang kaanak.
Agad namang nagsimula na ang relief efforts ng DSWD sa mga apektadong lalawigan.
Sa kasalukuyan, may nakahanda itong higit sa ₱1.8-billion pang relief resources kabilang ang ₱1.7-bilyong halaga ng stockpiles, at ₱140-milyong halaga ng standby funds. | ulat ni Merry Ann Bastasa