Aminado si PAGCOR Chairman Al Tengco na malabo nang masingil pa ang nasa P2.2 billion na utang ng isang overseas POGO company noon pang nakaraang administrasyon na bigla na lang umalis ng bansa noong panahon ng pandemya.
Tugon ito ng opisyal sa interpelasyon ni Minority Leader Marcelino Libanan sa budget briefing ng House Committee on Appropriations.
Aniya, nang umupo siya sa pwesto ay agad nilang pinuntahan ang opisinan ng naturang POGO ngunit napag-alaman na umalis na ito ng bansa noong kasagsagan ng pandemya.
Wala rin aniyang local incorporators ang naturang kompanya.
“This was a 2.2 billion peso receivable from a POGO that was licensed during the last administration at during the pandemic po ay nawala na lang pong parang bula yung POGO, they closed shop and run away.” ani Tengco
Kaya sa isang pulong kasama ang Commission on Audit (COA) ay hiniling ni Tengco na burahin na lang ang naturang pagkakautang dahil hindi na ito mahahabol.
“In fact during the last exit conference I had requested the COA kung maari po sana ay stricken-off na po yung receivable na yung dahil wala na po talagang magagawa at hindi na po mahahabol.” paliwanag pa ng opisyal.
Pagtiyak naman ni Tengco na inalisan na nila ng lisensya ang naturang kompanya at naka-blacklist na rin at may timbre na sa Immigration upang mahabol.| ulat ni Kathleen Jean Forbes