Kinuwestiyon ng mga senador ang hindi pagkakasama ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pag-apruba ng mga reclamation projects sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works, binahagi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na wala silang kinalaman at hindi sila kinokonsulta sa pagdedesisyon tungkol sa mga reclamation projects.
Hindi aniya sila nagsasagawa ng technical assessment at nagpapahayag lang sila ng pagtutol pero ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) pa rin ang nagdedesisyon nito sa huli.
Giniit naman ng kalihim na walang masama sa reclamation basta hindi lang nito mahaharangan ang mga daluyan ng tubig mula sa mga ilog palabas ng Manila Bay.
Maging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay wala rin aniyang papel sa pag-apruba ng mga reclamation projects.
Dahil dito, sinabi ni Sen. Koko Pimentel na kailangang repasuhin ang batas tungkol sa pag apruba ng reclamation projects.
Pinunto rin ng mambabatas na malaking investment ang reclamation kaya naman mahirap sa mga negosyante ang pagkakaroon ng hadlang sa kanilang mga proyekto kapag nabigyan na ito ng approval.
Ang ganitong pabago-bagong desisyon ay maaari aniyang makaapekto sa reputasyon ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion