Sasalang na sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga hirit na taas-pasahe ng ilang transport group.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na inaasahang tutukuyin sa pagdinig kung dapat pagbigyan ang hiling ng mga itong itaas ang singil sa pamasahe sa jeep sa gitna ng sunud-sunod na oil price hike.
“We just want to ensure our PUJ drivers and operators nationwide that their pleas for fare adjustment does not fall on deaf ears. We are well aware and continue to hear their plight amid the continuing oil price hikes and their difficulty in earning enough for their families,” paliwanag ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III.
Kaugnay nito, nilinaw ng LTFRB na kailangan pang sumailaim sa karagdagang pagsusuri ang hirit ng ilang grupo na taas-pasahe.
Kailangan aniya sa sisilip sa panukalang ito ang iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng National Economic and Development Authority (NEDA) na aalamin kung hindi ba magdudulot ng malaking economic burden ang panibagong fare hike.
Una nang nagsumite ng sulat ang mga transport group na Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), Stop & Go Transport Coalition Incorporated, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) para hilingin sa LTFRB ang P2.00 dagdag-pasahe sa mga pampublikong jeep sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa