Malaki ang pasasalamat ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa RA 11956 o Estate Tax Amnesty Law.
Batay sa abiso ng Palasyo sa House Tax chief, August 5 nag-lapse into law ang panukala.
Ayon kay Salceda, nasa halos isang milyong pamilya ang makikinabang sa naturang batas na magpapalawig sa tax amnesty ng hanggang June 2025 mula sa orihinal nitong pagtatapos na Hunyo ngayong taon.
Sa ilalim ng amnesty program, bibigyang pagkakataon ang mga indibidwal na mayroong hindi nabayarang estate tax na magbayad ng walang multa.
Saklaw na rin ng panukala ang ari-arian ng mga indibidwal na pumanaw bago ang December 31, 2021 mula sa kasalukuyang December 2017 coverage.
Pinahintulutan rin ng panukala ang electronic o manual filing ng estate tax amnesty returns at pagbabayad ng tax sa mga awtorisadong bangko, revenue district officer, o tax software provider.
Maliban dito dinalian at binawasan din ang documentary requirement para sa pag-avail ng tax amnesty.
Dagdag pa ni Salceda, complementary ito sa nauna nang isinabatas na New Agrarian Emancipation Act.
“It will benefit some 920,000 Filipino families who have unsettled estates, many of whom include the 610,054 agrarian reform beneficiaries recently released from debt by President Marcos’ New Agrarian Emancipation Act. The amnesty is also consistent with the full estate tax forgiveness envisioned under the New Agrarian Emancipation Act, which was PBBM’s most significant legislative accomplishment on his first year,” ani Salceda. | ulat ni Kathleen Jean Forbes