Bahagyang nadagdagan ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan ayon yan sa survey ng Social Weather Station (SWS).
Batay sa June 2023 SWS survey, lumalabas na nasa 10.4% na mga pamilyang Pilipino ang nakararanas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan.
Mas mataas ito sa 9.8% hunger rate noong Marso ngunit mas mababa pa rin kumpara sa 11.8% hunger rate noong Disyembre ng 2022 at 11.3% o 2.9 milyong pamilyang nagugutom na naitala noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Lumalabas sa survey na pinakamaraming nakaranas ng gutom ay mula sa mga pamilya sa Metro Manila na nasa 15.7%.
Gayunman, bumaba naman ang hunger rate sa Mindanao sa 6.3% mula sa 11.7% noong Marso.
Isinagawa ang survey mula June 28 hanggang July 1 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 indibidwal na may edad 18 pataas. | ulat ni Merry Ann Bastasa