Kagyat na nagkansela na ng klase ngayong araw ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa silangang bahagi ng Metro Manila.
Bunsod na rin ito ng umiral na Orange Rainfall Warning ng PAGASA dulot ng southwest monsoon o habagat na pinaigting ng lumabas nang bagyong Goring.
Kabilang sa mga nagkansela ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan ay ang mga Lungsod ng Pasig, Marikina, at San Juan.
Subalit sa Mandaluyong City, suspendido lamang ang klase mula Kinder hanggang Grade 12 kasama na ang mga mag-aaral sa Alternative Learning System (ALS).
Samantala, nagpalabas din ng hiwalay na anunsyo si Rizal Governor Nina Ynares hinggil sa suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa kanilang lalawigan. | ulat ni Jaymark Dagala