Umaasa ang ilang jeepney driver sa Anonas, Quezon City na matuloy ang pangakong bagong fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kasunod yan ng bigtime oil price hike na ipinatupad ngayong araw na para sa mga jeepney driver ay malaking kabawasan na naman sa kanilang kita.
Kaninang alas-6 ng umaga epektibo na ang dagdag na ₱3.50/liter sa diesel; ₱2.10/liyer sa gasolina at ₱3.25/liter ng kerosene.
Marami sa mga tsuper na nakapanayam ng RP1 ang hindi pa nagpapakarga ng diesel dahil papasada pa muna.
Ayon sa tsuper na si Mang Rommel, nasa ₱200-₱300 din ang mababawas sa kanyang kita dahil sa oil price hike.
Dahil dito, ipinunto ni Mang Domingo na malaki ang maitutulong sa kanila kung mapagkakalooban sila ng fuel subsidy ng pamahalaan.
Mapapagaan aniya nito ang pasanin sa kanilang mga tsuper sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Una nang sinabi ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na ikinakasa na LTFRB ang pagbibigay ng ₱6,000 one-time fuel subsidy sa mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUVs) sa ilalim ng fuel subsidy program. | ulat ni Merry Ann Bastasa