Sang-ayon ang ilan sa mga komyuter sa mungkahi ng National Center for Commuter Safety and Protection o NCSP na maglaan ng bukod na lane sa mga Public Utility Vehicles o PUV sa mga gasolinahan para magbigay ng mas murang krudo.
Ayon sa mga pasaherong napagtanungan ng Radyo Pilipinas, sinabi ng mga ito na pabor sila sa panukala ng NCSP dahil mabisang paraan ito para mapigilan ang dagdag-pasahe.
Naiintindihan naman ng mga pasahero ang sentimyento ng mga tsuper dahil sa walang patid na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at pakikinabangan ito ng minimum wage earners gayundin ng mga estudyante.
Ilang motorista naman ang nagsabing dapat maging pantay-pantay lamang ang pagbebenta ng produktong petrolyo dahil lahat naman anila ay apektado rito lalo na yung mga gumagamit ng pribadong sasakyan at motorsiklo.
Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang patong-patong na petisyon hinggil sa taas-pasahe.
Una nang naghain ng pisong provisional increase ang mga grupong PASANG-MASDA, ACTO at ALTODAP habang dalawang piso naman ang hirit na provisional increase ng FEJODAP, PISTON at iba pang transport group. | ulat ni Jaymark Dagala