Ilang LGU at ahensya ng gobyerno, pinarangalan sa Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2023 ng Komisyon sa Wikang Filipino

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ginawaran sa Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2023 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang ilang lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno.

Ilan sa nakatanggap ng prestihiyosong Antas 1 ang Kagawaran ng Agrikultura (DA); Kagawaran ng Agham at Teknolohiya – Sanggunian ng Pilipinas para sa Pananaliksik at Pagpapaunlad ng Industriya, Enerhiya at Bagong Teknolohiya (DOST-PCIEERD); Kagawaran ng Edukasyon – Kawanihan ng Linangan sa Pagkatuto (DepEd-BLD); Kagawaran ng Edukasyon – Tanggapang Pansangay ng mga Paaralan ng Lungsod ng Ligao (DepEd SDO Ligao); Lupon sa Rebyu at Klasipikasyon ng Pelikula at Telebisyon (MTRCB); Sentrong Medikal Amang Rodriguez (ARMMC); Pambansang Sanggunian Ukol sa Ugnayang Pangmaykapansanan (NCDA); Pamahalaan ng Lungsod ng Pasig; Pamahalaan ng Lalawigang Bulacan; Pamahalaang Bayan ng Pililla, Rizal; Barangay Hagdang Bato Itaas, Lungsod ng Mandaluyong; at Barangay Lower Bicutan, Lungsod Taguig.

Nakatanggap naman ng Antas 2 ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG); Kagawaran ng Paggawa at Empleo – Kawanihan ng mga Manggagawang may Tanging Pangangailangan (DOLE-BWSC); Pamahalaan ng Lungsod Santa Rosa; Pamahalaang Bayan ng Marilao, Bulacan; at Barangay San Isidro, Lungsod Iriga.

Nakatanggap naman ng Antas 3 ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR), Sentrong Medikal ng Rizal (RMC), at Pamahalaan ng Lungsod Pasay.

Nakatanggap naman ng pinakamataas na Antas 4 ang Kagawaran ng Edukasyon – Rehiyon V – Bikol, Kagawaran ng Edukasyon – Tanggapang Pansangay ng mga Paaralan ng Lungsod Iriga (DepEd SDO Iriga), Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila (NCDA), at Pang-alaalang Sentrong Medikal Quirino (QMMC).

Nagbigay din ng mensahe si Pangalawang Pangulo Sara Duterte-Carpio sa naturang event.

Ang KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2023 ay pagkilala para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan na sumunod sa implementasyon ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 o EO 335 at nagpamalas ng kahusayan sa paggamit ng Filipino bilang wika ng serbisyo publiko.

Inaanyayahan ni KWF Tagapangulo Arthur Casanova ang publiko sa pagpapatupad ng paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng komunikasyon tungo sa pagpapahusay ng serbisyong publiko. | ulat ni Mary Rose Rocero

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us