Nakiusap ang ilang mambabatas sa Department of Tourism na hanapan ng solusyon na mapababa pa ang pasahe sa eroplano at accommodation para mas mahimok ang domestic travel.
Sa budget briefing ng DOT, pinagkumpara ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma ang Manila to Cebu na airfare na nasa P5,000 at Manila to Singapore o Hong Kong na nasa P6,000.
Maliban dito, naglalaro aniya sa P10,000 hanggnag P12,000 ang hotel accommodation sa Maynila ngunit kung ikukumpara sa ibang mga bansa sa Asya ay nasa P4,000 lang.
Inihalimbawa naman ni Bohol Rep. Edgar Chatto ang kaniyang pasahe patungong Bohol na aniya ay napakamahal kung ikukumpara sa biyahe palabas ng bansa.
Maigi anila na maisaayos ito upang maging competitive ang presyo.
Pagtiyak naman ni Tourism Sec. Christina Frasco na patuloy ang kanilang dayalogo sa mga hotel at resort owners at airlines katuwang ang DOTr at DTI para magkaroon ng mas competitive na presyuhan lalo na para sa domestic tourists.
Ngunit kailangan pa rin ikonsidera aniya ang ilang external factors gaya ng inflation.
Noong 2022 nasa P1.5 trillion ang ambag ng domestic tourism sa ekonomiya ng bansa na katumbas ng 102 million trips.
Mula naman Enero hanggang Agosto, nasa halos 2 million na Pilipino ang bumiyahe palabas ng bansa ayon sa TIEZA. | ulat ni Kathleen Jean Forbes