Umaasa ang ilang may maliliit na sari-sari store sa Quezon City na hindi matuloy ang nakaambang pagtaas sa presyo ng ilang produkto sa merkado.
Kasunod yan ng pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na mayroong 43 produkto mula sa 13 iba’t ibang manufacturer ang naghain ng petisyon para magtaas ng presyo dahil sa mahal na presyo ng ginagamit na raw items.
Ayon naman kay Nanay Estella na may tindahan sa Brgy. Pinyahan, kung maaprubahan ay direktang makakaapekto ito sa mga mamimili.
Wala naman daw aniya silang magawa kundi magtaas rin ng presyo ng paninda kung tataas ang kanilang puhunan.
Ganito rin ang sinabi ni Nanay Edith na nagrereklamo na rin dahil hindi na nagkakasya ang dating ₱3,000 pambili ng pandagdag sa tindahan.
Para naman hindi lubos na mabigatan ang mga suki ay kapwa nagpapautang pa rin ang dalawang tindera na ang bayaran ay tuwing a-kinse at katapusan ng buwan.
Una nang siniguro ng DTI na masusing pag-aaralan ang mga hirit na taas-presyo ng manufacturers at patuloy ring babantayan ang lahat ng paggalaw ng presyo.
Sa ngayon, nananatili naman aniyang pareho ang presyo ng mga produkto hangga’t di pa sila nakakapaglabas muli ng Suggested Retail Price o SRP bulletin. | ulat ni Merry Ann Bastasa