Nagsibalikan ngayong umaga ang ilang mga nasunugan sa residential area sa Vargas Lane sa Visayas Avenue, Quezon City para maglinis at magbaklas ng mga bakal, at yero na maaaring maibenta.
Karamihan kasi ng mga nasunugan rito ang nasimot ang mga gamit at walang naisalba kaya nagtitiyaga ngayong magkalakal ng mga natirang gamit na pwede pang mapakinabangan mula sa nasunog na bahay.
Isa sa mga nakausap nating residente, ay labis-labis ang panghihinayang dahil buong bahay kasama ang tindahan niya sa nadamay sa sunog. Maging ang mga bagong bili raw na gamit pang eskwela ng mga anak nito nasunog din.
Sa kasalukuyan, pansamantalang nanunuluyan sa ilang evacuation sites ang mga nasunugan kabilang ang Vargas Covered Court, Metroheight at Bernardo Court sa Central Avenue.
Nakaalalay na rin ang mga tauhan ng QCDRRMO at City Social Services Department para sa pangangailangan ng mga nasunugan.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, 10 ang sugatan kasama ang ilang bumbero at hindi bababa sa 50 kabahayan ang natupok sa sunog na nagsimula bandang alas-9 kagabi at umabot pa sa ikalimang alarma bago tuluyang naapula kaninang alas-2:56 ng madaling araw. | ulat ni Merry Ann Bastasa