Pinatawan ng Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Food Terminal Incorporated ng anim na buwang preventive suspension dahil sa kwestyunableng pagbili ng sibuyas sa Bonena Multipurpose Cooperative.
Sa desisyon ng Ombudsman, kabilang sa mga sinuspinde sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, DA Administrative Officer V Eunice Biblanias, DA OIC-Chief Accountant Lolita A. Jamela, FTI Vice President for Operations John Gabriel Benedict C. Trinidad III, at FTI Budget Division Head Juanita Lualhati.
Batay sa inilabas na suspension order, inihayag ni Ombudsman Samuel Martires na malakas ang ebidensya laban sa mga naturang opisyal sa grave misconduct at gross neglect of duty.
Ito ay dahil sa paglabag sa Procurement Law, sa kawalan ng parameters sa pagpili ng magsusuplay na kooperatiba sa Kadiwa Food Hub Project, pagbibigay ng advance payment na 50% sa Bonena Coop; at ang kwestyunableng delivery ng mga sibuyas ng naturang kooperatiba. | ulat ni Merry Ann Bastasa