Isinusulong ngayon ng ilang Pinoy inventor na gamitin ang kanilang imbensyon para makatipid sa paggamit ng gasolina at diesel.
Ito ay sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo kung saan umabot na ng halos P10 ang itinaas sa kada litro ng diesel, at P13 sa gasolina.
Sa demonstration sa Land Transportation Office (LTO), ipinakilala nina Mr. Jun de Jesus at Ricky Punzalan ang kanilang mga naimbento na malaki daw ang maitutulong para makatipid sa gasolina at diesel.
Ang highmax na ginawa ni de Jesus ay isang gadget na ikakabit sa makina para sunugin ang mga usok nito at gawing nitrogen.
Samantala, ang wonder lube, isang uri ng langis ay ginawa naman ni Ricky Punzalan na ihahalo sa langis ng makina ng sasakyan upang mapanatili nito ang malinaw at maayos na andar ng makina.
Bukod dito, epektibo din daw ang Nuvitron na siyang nagpapalakas sa kuryente para gumanda ang hatak ng makina.
Uubos ang isang operator ng isang litro ng diesel o gasolina sa 15 kilometro na itinatakbo mula sa 8 kilometro.
Dahil dito, nais ng grupo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, na pag-aralan ng DOTr na pondohan ito para ibigay sa mga tsuper.
Bukod sa fuel subsidy, hinihingi din nila na tulungan sila ng pamahalaan para mabili ang naturang mga Pinoy invention na nagkakahalaga ng P15,000.
Suportado ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang mga nasabing Pinoy invention, dahil hindi lamang mga tsuper ang makikinabang bagkus pati ang mga pasahero.
Sabi ni Atty. Ariel Inton, hindi na manghihingi ng dagdag pasahe ang mga transport group kung matutulungan sila na makakuha ng gadget na ikakabit sa mga makina ng pampasadang sasakyan dahil malaki na ang matitipid sa gastos sa diesel. | ulat ni Michael Rogas