Sinang-ayunan ng ilang siklista sa Quezon City ang hakbang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hulihin na ang mga motorsiklong dumaraan sa Bicycle Lane sa EDSA.
Ayon sa MMDA, simula ngayong araw, August 21, ay maghihigpit na sila sa polisiya sa Bike Lane kaya ang mga mahuhuling motorsiklong dumaraan sa naturang lane ay pagmumultahin ng ₱1,000 sa violation na disregarding traffic sign.
Ilan sa nakapanayam na siklista ng RP1 team, pabor dito lalo’t napakadelikado raw para sa kanila kung maaagawan ng lane sa EDSA.
Sa kwento nila Mang Armando at Francisco, makailang beses na rin silang muntik masagi ng motor sa EDSA dahil sa ilang sumisingit sa Bike Lane.
Sinabi ni Mang Armando na siya na raw ang madalas na nag-aadjust at gumigilid na lang sa gutter kapag may naka-motor sa nakakasabay sa Bike Lane.
Ayon din kay Mang Francisco, dapat na maikonsidera ang kapakanan ng mga siklista sa EDSA.
Una nang sinabi ng MMDA na lumalabas sa monitoring sa EDSA na napakaraming motorcycle riders ang dumaraan sa Bicycle Lane at ginagawa itong fast lane. Dahil dito, hindi magamit ng mga nagbibisikleta ang lane na inilaan para sa kanila. | ulat ni Merry Ann Bastasa