Matapos ang mahigit isang dekada sa pulitika, nagbitiw na sa kanyang pwesto ang batikang konsehal ng Iloilo City na si Plaridel Nava.
Sa regular session ng City Council nitong Miyerkules, inanunsyo ni Nava na opisyal na siyang nagpasa ng resignation letter kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa konsehal, hindi na nakabubuti para sa kanya at kanyang pamilya ang pulitika.
Bilang nag-iisang miyembro ng oposisyon sa City Council, sinabi ni Nava na nahihirapan na siya dahil wala siyang mga programa at proyektong maitutulong sa mga residente.
Sa hangad na makatulong sa publiko ay sinuportahan ng konsehal ang administrasyon ni Mayor Jerry Treñas ngunit dahil rito, nawala aniya ang kanyang identity bilang isang fiscalizer at taga-puna ng Iloilo City government.
Nagpasalamat naman si Nava sa kanyang mga staff at kapwa konsehal na nakasama sa serbisyo publiko ng mahigit isang dekada.
Samantala, papalit naman sa pwesto ni Nava ng kanyang kapatid na si Sumakwel Nava Jr. | ulat ni Emme Santiagudo | RP1 Iloilo