Inspeksyon sa mga rice warehouse, tiyak na masusundan pa ayon kay Speaker Romualdez

Facebook
Twitter
LinkedIn

Siniguro ni Speaker Martin Romualdez na hindi lang pakitang tao ang surpresang pagbisita sa mga warehouse ng bigas.

Aniya asahan mauulit ang pag-iikot at pag-inspeksyon ng Bureau of Customs (BOC) sa warehouses lalo na ngayong umaaray ang publiko sa mataas na presyo ng bigas.

Magsisilbi rin aniya itong babala sa mga hoarder.

Agosto 24 nang magkatuwang na suyurin ng ilang kongresista at opisyal ng BOC ang ilang warehouse sa Bulacan kung saan natuklasan ang nasa higit 200 sako ng bigas na sinadyang itinatago.

Panawagan ni Romualdez sa mga trader na huwag itago ang mga bigas at agad ilabas sa pamilihan

Sa nakalipas na linggo ay nagkaroon ng pagtaas sa bentahan ng bigas sa Metro Manila na naglalaro ng P50 hanggang P62 kada kilo.

Kung hindi agad tutugunan ay posibleng pumalo pa ng P60 hanggang P65 ang presyuhan sa palengke,

Sinegundahan naman ni Romualdez ang pahayag ni House Committee on Agriculture and Food chairperson at Quezon 1st district Rep. Mark Enverga na ang rice hoarding ay pinakamabigat na uri ng economic sabotage.

“Lahat ng Pilipino kumakain ng kanin. Kung may matapon o masayang na kahit kaunting bigas sa pagsasaing, nanghihinayang tayo. Kaya napaksakit at nakakapanggalit talaga itong ginagawa ng mga rice hoarders,” saad ng kongrsista ng Leyte 1st district.

Pagtitiyak ng House leader na hindi hahayaan ng Kamara na matulad ang bigas sa nangyari sa sibuyas noong nakaraang taon kung saan sumipa ng hanggang P700 kada kilo ang presyo.

“Shame on us, the officials in government, if we let that happen again, especially to our staple food. Thanks to the hearings in aid of legislation led by Cong Enverga, we already know exactly how a cartel works. Pipigilan natin sila, hindi natin sila hahayaang makapuntos muli,” sabi pa ni Speaker Romualdez.| ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us