Institutionalization ng blended learning, isa sa nakikitang tugon ng DepEd sa problema sa kakulangan ng mga classroom

Facebook
Twitter
LinkedIn

Bahagi ng plano ng Department of Education (DepEd) para maresolba ang problema sa kakulangan sa mga school building at silid-aralan ay ang pag-institutionalize ng blended learning.

Ayon kay DepEd Undersecretary Epimaco Densing, salig na rin sa direksyon na nais ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, gagamitin nila ang makabagong teknolohiya tulad ng blended learning kasabay ng tradisyunal na pagtatayo ng mga classroom.

Sa kasalukuyan, nasa 165,000 ang classroom shortage sa bansa.

Maliban pa ito sa mga eskuwelahan na nangangailangan ng major at minor repairs na tinatayang nasa 189,000 school buildings.

Punto ni Densing, isa sa nagiging dahilan ng kakulangan sa classroom ay ang patuloy na paglaki ng populasyon na nagreresulta sa mas maraming bata na papasok sa eskuwelahan.

Kung mabibigyan aniya ang DepEd ng average budget kada taon na ₱24-billion para sa pagtatayo ng mga paaralan ay mabibigyan nila ng mga eskwelahan hanggang sa pagtatapos ng 2028 ang mga lugar na hindi pa talaga napatayuan ng paaralan.

At para tuluyang mabura ang shortage sa paaralan, ay posibleng abutin pa ng higit 20 taon.

Sa panukalang budget ngayon ng ahensya binigyan lamang sila ng ₱19.6-billion na katumbas lamang ng 7,879 na classroom.

Isa rin sa bagong istratehiya ng DepEd sa pagtatayo ng mga classroom ay ang konstruksyon ng mid-rise o high rise buildings na may lima hanggang 12 palapag para ma-maximize ang available na lupa at espasyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us