Iminungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagsasagawa ng joint patrol ng Pilipinas kasama ang mga kaalyadong bansa.
Kabilang ito sa mga inihalimbawa ng senador na mga hakbang na maaaring gawin ng gobyerno para matugunan ang pambu-bully at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
Sa isang privilege speech, muling ipinahayag ni Zubiri ang pagkondena sa pinakahuling insidente kung saan binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang Philippine Coast Guard na nasa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Aniya, tila binobola na lang ng China ang Pilipinas na nagkukunwaring kaibigan pero patuloy naman tayong hina-harass.
Binigyang-diin naman ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa kanyang manifestation na lubhang delikado ang paggamit ng water cannons upang pigilan ang resupply mission.
Maituturing aniya itong banta sa ating seguridad, kaligtasan at soberanya.
Sinabi pa ni Revilla na nakakaalarma na matapos ipasa ng Senado ang resolusyon na kumokondena sa harassment ng China ay ginawa ng naturang bansa ang panibagong aksyon sa West Philippine Sea. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion