Umakyat na sa 86,745 ang bilang ng mga kabahayang nasira na epekto ng nagdaang bagyong Egay, Falcon at habagat, ayon ito sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes.
Ang bilang na ito ay tumaas mula 82,787 na iniulat noong Agosto 15. Kabilang sa mga naapektuhan ang rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Bangsamoro at Cordillera.
Sinasabing 81,371 ang bilang ng “partially damaged” at 5,374 naman ang “totally damaged.” Ang bilang ng mga naiulat na nasawi ay nanatili sa 30 na may 12 na kumpirmado sa ngayon.
Ayon sa Office of Civil Defense, ang mga apektadong pamilya ay kombinasyon ng mga nawalan ng tirahan at mga hindi nangangailangan ng pagpapaalis sa kanilang tirahan ngunit naapektuhan ang mga kabuhayan. | ulat ni Jollie Acuyong