Nagluluksa rin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagpanaw ni Department of Migrant Workers’ Secretary Susan “Toots” Ople.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pakikiramay at panalangin si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. sa naiwang mga mahal sa buhay ng yumaong kalihim at pati na sa buong tanggapan ng DMW.
Ayon sa kalihim, maaalala si Sec. Ople bilang kampeon sa pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
“She was a true champion of the Filipino migrant workers. Her passion in promoting and protecting the welfare of every Overseas Filipino Workers (OFW) is truly appreciated.”
Dagdag pa nito, mananatiling inspirasyon ng bawat isa si Sec. Ople para ipagpatuloy ang pag-angat sa interes ng mga Pinoy abroad.
Inalala rin ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mahusay na paglilingkod ni Sec. Ople na isa aniya sa mga sumuporta sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program.
Ayon sa DHSUD, naging katuwang ni Secretary Jerry Acuzar si Sec. Ople sa hangarin na mabigyan rin ng disente at murang pabahay ang mga OFW dahil para sa kanya, mahalagang may nakalaan na mga pabahay units sa OFWs dahil ito ay pangarap nila at pagkilala na rin sa kanilang napakalaking ambag sa bansa.
Sa isa ring pahayag, inisa-isa naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga napagtagumpayan ni Sec. Ople.
Kabilang dito ang rollout ng OFW Pass, na isa sa flagship projects ng DMW.
“In our grief, let us not forget her legacy. Her dedication to a brighter future for all Filipinos, especially our OFWs, may continue to inspire us.” | ulat ni Merry Ann Bastasa