Pansamantalang hahawakan ni Department of Agriculture Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS) OIC-Director Junibert De Sagun ang pamamahala sa Kadiwa Program.
Kinumpirma ito ni DA Assistant Secretary Rex Estoperez kasunod ng anim na buwang suspensyon ng Ombudsman sa ilang opisyal ng DA kabilang si DA Consumer Affairs at Spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista dahil sa maanomalyang pagbili ng sibuyas para sa Kadiwa noong nakaraang taon.
Ayon kay DA Asec. Rex Estoperez, magtutulungan sila sa kagawaran para hindi maantala ang serbisyo nito.
Kaugnay nito, siniguro naman ni Estoperez na buo ang kanilang suporta kay Asec. Evangelista at sa iba pang opisyal na nasuspinde ng Ombudsman.
Batay sa inilabas na suspension order, nakasaad na lumabag ang mga opisyal sa Procurement Law sa kawalan ng parameters sa pagpili ng magsusuplay na kooperatiba sa Kadiwa Food Hub Project, pagbibigay ng advance payment na 50% sa Bonena Coop; at ang kwestyonableng deliveries ng naturang kooperatiba. | ulat ni Merry Ann Bastasa