Asahan ang pagpapaigting sa mga programang lilinang at magpapalakas sa kaalaman at kakayahan ng mga kabataan at manggagawang Pilipino sa bansa, lalo’t ang sektor ng edukasyon pa rin ang makatatanggap ng pinakamalaking pondo sa 2024, o nasa P924.7 billion mula sa kabuuang P5.768 trillion na proposed national budget.
Sa mensahe sa Kongreso, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nasa P12 billion ang budget na ilalaan para sa learning materials ng mga mag-aaral.
Ang Alternative Learning System para sa out-of-school youth ay paglalaanan ng P632 million sa 2024.
Habang P808 million naman para sa skills program, upang ihanda ang mga kabataang Pilipino sa employment.
Ayon kay Pangulong Marcos, kinikilala rin ng administrasyon ang untapped productive employment at skills development potential sa Bangsamoro.
Ito aniya ang dahilan kung bakit isinusulong ang pagkakaroon ng field office ng Professional Regulation Commission (PRC) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nasa P5 million ang pondo na ilalaan para dito.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos Jr., na nitong Mayo nasa 95.7% ang employment rate ng Pilipinas. | ulat ni Racquel Bayan