Tuluyan nang lumusot sa Mababang Kapulungan ang House Bill 8200 o Anti-Bulk Foreign Currency Smuggling Act.
Sa pamamagitan ng panukala ay papatawan ng parusa ang bulk foreign currency smuggling o bultong pagpupuslit ng foreign currency na higit sa $10,000 sa pamamagitan ng fraud o panloloko, misdeclaration at iba pang pamamaraan ng pagpasok o paglalabas ng bansa.
Ito ay upang maiwasang magamit Pilipinas bilang transport point ng money laundering.
Ang Bureau of Customs (BoC) ang naatasang manguna sa pagpapatupad nito oras na maging ganap na batas.
“The measure is aimed at preserving the integrity of the country’s monetary system. It also ensures that the Philippines will not be used as a transport point for money laundering. We will not allow our points of entry, like our ports and airports, to be used for any part of unlawful activities,” saad ni Speaker Martin Romualdez sa pagkakapasa ng panukala.
Ang indibidwal na may dalang higit sa $10,000 o katumbas na currency, ay kailangan sagutan ang written o electronic declaration na naglalaman ng personal na impormasyon ng indibidwal na may dala ng naturang pera; impormasyon sa kaniyang biyahe gaya ng arrival at departure date; kaniyang legal capacity sa pagdadala ng pera; impormasyon sa nagmamay-ari o nagpadala ng pera kasama ang tatanggap ng foreign currency at dagdag pang impormasyon na ilalatag sa implementing rules and regulation oras na ito ay maisabatas.
Sinumang mapatutunayang sangkot sa bulk foreign currency smuggling na ang halaga ay lagpas ng $200,000 o katumbas nito sa ibang currency ay makukulong ng 7 hanggang 14 na taon at magmumulta ng doble ng halaga ng tinangkang i-smuggle.
Kung lagpas naman ang halaga sa $10,000 o katumbas sa ibang currency 6-buwan hanggang 2-taong pagkakakulong at multang doble ng halaga na hindi idineklara ang magiging parusa
Pahihintulutan ang BoC na pansamantalang kumpiskahin ang nasabat na foreign currency o foreign currency-denominated bearer monetary instruments.| ulat ni Kathleen Jean Forbes