Kampanya vs Child Labor, palalakasin pa ng DOLE

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kanila pang paiigtingin ang mga hakbang ng pamahalaan upang masawata ang Child Labor sa bansa.

Ito ang inihayag ng DOLE makaraang aprubahan ng National Council Against Child Labor (NCACL) sa pamumuno ng DOLE ang Philippine Program Against Child Labor Strategic Framework.

Batay sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Hunyo 25, bumaba sa mahigit 820,000 mga kabataan ang nasasangkot sa sapilitang pagtatrabaho o child labor o 56% ng 1.48 milyong batang Pilipino na nagtatrabaho.

Mas mababa ito kumpara sa 935,000 mga kabataang biktima ng child labor noong 2021.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, patunay lamang ito ng patuloy na suporta at pagsisikap ng kagawaran gayundin ng mga social partner nito, na wakasan ang child labor sa bansa.

Hindi aniya titigil ang pamahalaan hangga’t hindi naaabot ang kanilang target na masawata ang child labor salig na rin sa itinatakda ng Philippine Development Plan 2023-2028.

Sa ilalim ng umiiral na batas ng Pilipinas, 15 anyos ang pinakamababang edad na maaaring makapagtrabaho sa kondisyong hindi sila kabahagi ng child labor. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us