Nakiisa ang probinsyal na pamahalaan ng Lanao del Norte sa paggunita ng 45th National Disability Prevention and Rehabilitation Week na may temang “Aksesibilidad at Karapatan ng mga Taong may Kapansanan: Daan Tungo sa Sustenableng Kinabukasan na Walang Maiiwan” noong ika-4 ng Agosto, 2023 sa Mindanao Civic Center Gymnasium, Sagadan, Tubod, Lanao del Norte.
Ito ay pinangunahan ni Lanao del Norte Governor Imelda Quibranza-Dimaporo kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO.
Dumalo sa kaganapan ang mga Persons with Disabilities (PWDs) mula sa labing-apat (14) na munisipyo ng probinsya tulad ng Bacolod, Tubod, Kolambugan, Magsaysay, Salvador, Lala, Kapatagan, Sultan Naga Dimaporo, Baroy, Sapad, Kauswagan, Linamon, Balo-i, at Nunungan.
Layunin nito na bigyang pugay at halaga ang nagawa ng mga PWDs sa lipunan at paalalahanan ang taong bayan na respetuhin ang kanilang kinalalagyan sa lipunan.
Hinihikayat ni Department of Social Welfare and Development o DSWD-10 Regional PWD Focal Person Sulog Macadatu ang publiko na itaguyod ang dignidad at mga karapatan ng mga taong may kapansanan at kilalanin ang kanilang lugar sa lipunan kung saan sila ay magsisilbing simbolo ng katatagan ng bawat isa sa atin.
Nanawagan din si Sulog na sikapin nating bumuo ng mundo na pinapahalagahan ang pagkakaiba ng bawat isa upang walang maiiwan tungo sa maunlad na kinabukasan.
Ayon kay Edgardo Pontillas, PWD, 46 anyos, nagpapasalamat at natutuwa siya dahil may isinasagawang aktibidad kung saan nararamdaman niya ang mainit na pagtanggap ng lipunan sa kanilang may mga kapansanan o PWDs.
Sa talaan ng Department of Health (DOH) Philippine Registry of Persons with Disability (PRPWD), mayroong walong libo’t limangdaan at limampu’t tatlong (8,553) PWDs ang narehistro sa buong lalawigan ng Lanao del Norte as of June 2023.| ulat ni Sharif Timhar H. Habib Majid| RP1 Iligan