Nakatakdang maghatid ng libreng serbisyong medikal ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas para sa kanilang mga senior citizen.
Kabilang sa mga ipagkakaloob ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ng kanilang City Health Office ay ang libreng konsultasyon at sasamahan pa ng pamamahagi ng vitamins, oral health check at dental kits.
May libreng enrollment din para sa mga nakatatandang Las Piñero sa programa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Konsulta.
Itinakda ang pagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa Setyembre 6 sa Bambusetum Covered Court sa Brgy. Talon Dos gayundin sa Brgy. Elias Aldana Covered court sa Setyembre 12.
Maliban sa enrollment sa PhilHealth Konsulta, maaari ring ipa-update ng mga senior citizen na miyembro na ng PhilHealth ang kanilang record para makakuha ng membership ID. | ulat ni Jaymark Dagala