Idinulog ng isang kongresista sa kinauukulang ahensya ang problema sa illegal recruitment at exploitation ng mga OFW sa South Korea.
Isa na rito ang LGU to LGU seasonal workers exchange program.
Ayon kay OFW Party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino, nagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng local government unit sa Pilipinas at Korea para kumuha ng seasonal workers na pawang magtatrabaho sa mga farms na tatagal ng tatlo hanggang limang buwan.
Ngunit ang naturang kasunduan ay hindi dumadaan sa pagsusuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Migrant Workers (DMW), dahilan para mas maging lantad sa pang-aabuso at unfair labor practice ang ating mga OFW.
Isa pa sa tinukoy ng mambabatas ang ilang recruitment agency na kumukuha at nagpapadala ng Pinoy entertainers, artists at cultural workers papunta ng South Korea, ngunit nauuwi sa human trafficking at prostitution.
Sa ngayon nailapit na ni Magsino ang isyu sa DILG at DMW at pinaiimbestigahan na rin sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kapwa Pilipino na nambibiktima ng kapwa Pilipino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes