Nagpaliwanag ang Civil Service Commission kung bakit hindi nito kayang i-waive ang bayad na P500 para sa Career Service Examination.
Sa PIA forum, sinabi ni CSC Chair Karlo Nograles na direktang napupunta sa gastos sa pagsasagawa ng pen and paper test ang binabayad ng mga examinee.
Ilan sa tinukoy nitong pinaglalaanan ng pondo ang pag-iimprenta ng test materials, pag-transport ng mga ito sa iba’t ibang testing venues, pag-hire ng mga proctor, at pati na post-examination expenses.
Pagtitiyak naman ng CSC Chair, bagamat hindi malilibre ay sinisikap naman nilang hindi magkaroon ng dagdag sa bayarin ng mga kumukuha ng career service exam.
Kaugnay nito, inaasahan naman ng CSC na aabot sa tinatayang 370,000 ang mga kukuha ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) sa darating na linggo, Aug. 20.
Kung idadagdag dito ang nasa 381,000 actual examinees noong Marso, papalo na aniya sa higit 700,000 ang bilang ng mga sumailalim sa CSC exam ngayong taong 2023. | ulat ni Merry Ann Bastasa