Nag-abiso ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa mga pasahero nito na pagplanuhan na ang kanilang pagbiyahe kung saan suspendido ang operasyon nito sa Linggo, August 20 mula 4:30 ng umaga hanggang 11:59 ng umaga.
Ito ay dahil sa patuloy na isinasagawang pag-upgrade ng signaling system ng LRT-1.
Kabilang sa upgrade ang paglalagay ng bagong software baselone sa kasalukuyang signaling system upang maging compatible sa software baseline ng LRT-1 Cavite Extension at magsagawa ng testing at commissioning sa system.
Ayon kay LRMC Chief Operating Officer Rolando Paulino III, layunin na pagbutihin ang kapasidad at performance sa buong linya, gayundin ang paggana ng mas maraming tren na may mas mahusay na koneksyon at higit na reliability bilang paghahanda sa pagkumpleto ng Cavite Extension Phase 1.
Dagdag pa ni Paulino, sa oras na makumpleto ito ay inaasahang hahantong ito sa buong cutover para sa extended signaling system mula sa kasalukuyang LRT-1 Roosevelt Station sa Quezon City hanggang sa Dr. Santos Station sa Parañaque City o sa end station sa LRT-1 Cavite Extension – Phase 1.
Magsisimula ang unang biyahe mula sa Baclaran at Roosevelt Station sa ganap na alas-12 ng tanghali at ang schedule ng huling tren ay aalis sa Baclaran Station ng 9:30 ng gabi habang 9:45 ng gabi naman ang alis ng huling tren sa Roosevelt Station.
Humihingi naman ng pang-unawa ang LRMC sa mga pasahero dahil sa abalang maidudulot ng nasabing aktibidad para isagawa ang patuloy na pag-upgrade ng signalling system sa revenue line ng LRT-1. | ulat ni Gab Humilde Villegas