Papayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paghahain ng mga aplikasyon para sa pagsalin ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng mga pampublikong transportasyon.
Ayon sa LTFRB, ang hakbang na ito ay tugon sa hiling ng ilang transport group na repasuhin ang Memorandum Circular (MC) 2016-010 na nagbabawal sa pagsalin ng CPC sa ibang operator.
Kaugnay nito, naglabas ng MC 2023-027 o ang “Guidelines on the Transfer of Certificate of Public Convenience” ang ahensya kung saan pahihintulutan ang mga aplikasyon para sa pagsalin ng CPC sa ibang operator, boluntaryo man ito o hindi.
Sa pamamagitan nito, mas mapapadali na aniya ang pagbibigay ng mga ayuda sa mga PUV operator tulad ng Pantawid Pasada o Fuel Subsidy.
Dagdag pa ng LTFRB, magiging madali na rin ang pagsali ng mga operator sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil mabilis na maililipat at maiparerehistro ng mga ito ang kanilang sasakyan.
Nakasaad naman sa naturang memorandum na tatanggapin lamang ang aplikasyon sa kondisyon na ang CPC na isasalin ay mayroon pang bisa sa panahon ng transaksyon at lahat ng yunit na nasa ilalim nito ay buong isasalin sa ibang operator.
Kinakailangan din na dalawang beses lamang ang pagsalin ng CPC sa loob ng “validity period” o panahon na mayroon pa itong bisa, sa kondisyon na walang magaganap na pagsalin ng CPC sa unang taon matapos itong ipagkaloob ng LTFRB o maging sa loob ng isang taon bago ito mawalan ng bisa.
“The LTFRB is very mindful of the situation, and that is why we took careful consideration in the issuance of this circular. We needed to strike a balance between allowing a legitimate CPC transfer and at the same time deter any form of abuse,” paliwanag ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III. | ulat ni Merry Ann Bastasa