Tumatanggap na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga transfer requests ng certificates of public convenience (CPC) para sa public utility vehicles (PUV).
Sa isang pahayag nitong Huwebes, inanunsyo ng LTFRB ang Memorandum Circular 2023-027, o ang “Guidelines on the Transfer of Certificate of Public Convenience” na nag-aalis ng “pagbabawal sa pagtanggap ng aplikasyon ng CPC para sa pagbebenta at paglilipat, boluntaryo man o hindi.”
Ayon sa LTFRB, mas magiging madali ang pamamahagi ng tulong sa mga operator tulad ng Pantawid Pasada o Fuel Subsidy program ng gobyerno sa ganitong paraan.
Naglabas ng memorandum matapos na hilingin ng mga transport groups tulad ng Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas, Inc. sa LTFRB na suriin ang Memorandum Circular (MC) 2016-010 na nagbabawal sa paglipat ng CPC sa ibang mga operator.
Dahil dito, mas madali nang makasali ang mga operator sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil mas mabilis nilang maililipat at mairerehistro ang kanilang mga sasakyan. | ulat ni Jollie Mar Acuyong